-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Isang construction worker ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan matapos makuryente habang nag-i-install ng solar light steel pole sa Crossing T’boli, Barangay Poblacion, Surallah, South Cotabato!

Kinilala ang nasawi sa alyas “Ian,” 23 anyos, residente ng Banga, South Cotabato.
Sugatan naman ang mga kasamahan niyang sina Roberto, 51 anyos, welder mula Barangay Colongulo, at Rafael, 37 anyos, karpentero mula Barangay Centrala, Surallah.

Batay sa ulat ng Surallah Municipal Police Station, nagsasagawa umano ng pag-install ng solar light post ang grupo nang tumama ang bakal ng poste sa main line ng SOCOTECO-1.

Agad na isinugod sa SOCSARGEN General Hospital ang mga biktima, ngunit idineklara nang dead on arrival si Ian, habang patuloy namang ginagamot ang kanyang dalawang kasamahan.

Dahil sa naturang insidente, nagkaroon ng malawakang power interruption sa Upper Valley area, partikular sa feeders 11 at 13, matapos tamaan ang 69kV sub-transmission line ng SOCOTECO-1.

Ayon pa sa SOCOTECO-1, walang koordinasyon na ginawa ang grupo bago ang kanilang operasyon, dahilan kung bakit walang proteksyon o safety measures na nailagay sa lugar.