-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy na ginagamot sa South Cotabato Provincial Hospital ang isang 22-anyos na lalaki matapos masabugan ng five star na paputok sa Barangay Basag, T’boli, South Cotabato.

Kinilala ang biktima sa pangalang alyas “Jake,” residente ng nasabing barangay. Nagtamo siya ng sugat sa kaliwang kamay matapos aksidenteng sumabog ang kanyang sinindihan na paputok habang nagdiriwang ng Pasko bandang alas-1:00 ng madaling araw noong Disyembre 25, 2025.

Ayon sa datos ng DOH – Center for Health Development Soccsksargen Region, umabot na sa 25 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa buong South Cotabato simula nang magsimula ang selebrasyon ng Kapaskuhan.

Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng sugat sa kamay at paa, habang may limang eye injury na agad na isinugod sa mga lokal na ospital.

Pinakabata namang biktima ang nasa 2 taong gulang lamang mula sa Tantangan, South Cotabato.

Muling paalala ng mga awtoridad sa publiko ang maingat na paggamit ng paputok at pag-iwas sa ipinagbabawal na uri ng firecrackers upang maiwasan ang disgrasya, lalo na ngayong kapaskuhan.