-- ADVERTISEMENT --

Binawian ng buhay ang isang 20-anyos na lalaki matapos umano’y mag-ala-“Superman” habang nagda-drag race at bumangga sa isang papalikong sasakyan sa Sinsuat Street, Poblacion, Kidapawan City, pasado ala-1:30 ng madaling araw noong Oktubre 5.

Ayon kay Kidapawan City Mayor Paolo Evangelista, ang trahedyang ito ay patunay kung bakit mahigpit na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang illegal drag racing sa lungsod.

Paliwanag ng alkalde, hindi ipinagbabawal ang ganitong aktibidad upang pigilan ang kasiyahan o thrill ng mga kabataan, kundi upang maiwasan ang disgrasya at maprotektahan ang buhay ng lahat.

Sa kanyang social media post, sinabi ni Mayor Evangelista:

Sa mga nagda-drag race o gumagawa ng ‘Superman’ sa kalsada, ito ang dahilan kung bakit mahigpit natin itong ipinagbabawal. Hindi ito upang bawasan ang inyong passion o saya, kundi dahil delikado ito at maaaring mauwi sa kamatayan. Ang tunay na lalaki ay marunong mag-ingat sa sarili at sa kapwa.”

Matatandaan na kamakailan ay may ilang indibidwal na sangkot sa drag racing ang nakunan din sa CCTV footage at kalaunan ay boluntaryong sumuko sa tanggapan ng alkalde.

Dagdag pa ni Mayor Evangelista, hinikayat niya ang mga kabataan na ilaan na lamang ang kanilang oras sa mga makabuluhan at ligtas na gawain na makatutulong sa kanilang kinabukasan at sa pag-unlad ng Kidapawan City.