-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Emosyunal na isinalaysay sa Bombo Radyo ng dalawang sundalong kasapi ng 39th IB Philippine Army ang kanilang dinanas sa kamay ng New People’s Army (NPA) bago pa man tuluyang pinalaya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa mga Prisoners of War na sina Sgt. Samuel Garay at PFC Solaiman Calocop, hindi umano nila inakalang makakauwi pa sila ng buhay lalo na at mainit ang tensyon sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng rebeldeng grupo.

Dagdag pa nito na tanging ang dahilan ng hindi nila pagsuko ay ang kagustuhang makita muli ang kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi umano nila malilimutan ang karanasan na maglakad ng tatlo hanggang limang oras sa kabundukan upang makaiwas sa puwersa ng gobyerno na iniiwasan ng NPA.

Sa kabilang dako, labis na kaligayahan ang kanilang nadarama dahil sa kabila ng lahat ay buhay pa rin sila at tuluyang nakapiling na ang kanilang mga pamilya.

Napag-alaman na ang matagumpay na pagpapalaya sa mga binihag na sundalo ay dahil na rin sa negosasyon na isinagawa ng iba’t-ibang sektor at ang ipinatupad na Suspension of Military Operations.

Sa kabilang dako, iginiit naman ng tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines sub-regional command na si Ka-Macario na nirerespeto nila ang karapatang-pantao ng mga sundalo at nagpapakita ito ng sinseridad ng NPA sa usaping pangkapayapaan ng pamahalaan at ng Komunistang grupo.