KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring magkasunod na pamamaril-patay sa bayan ng Pikit, Cotabato kung saan dalawang indibidwal ang binawian ng buhay.
Ito ang inihayag ni PMaj. Rizza Hernaez, tagapagsalita ng PNP Region 12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ang unang insidente ng pamamaril ay nangyari sa public market ng Pikit kung saan isang negosyante ang biktima.
Kinilala ng pulisya ang nasawing negosyante na si Rommel Aban alias “Balong” may-ari ng Pamogon kape, na residente ng Barangay Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao Del sur.
Samantala, makaraan ang ilang minuto ay pinagbabaril naman ng di kilalang mga suspek ang isang mini van na naging dahilan ng pagkamatay ng driver na kinilalang si Ariel Abrinica na residente ng barangay Colambog, Pikit, Cotabato.
Lumabas sa imbestigasyon na habang minamaneho ng biktima ang kanyang Mini Van sakay ang mga guro nang pagdating sa Barangay Silik Pikit Cotabato ay bigla itong pinagbabaril at tinamaan ang driver.
Agad naman dinala sa pagamutan ang driver ngunit binawian din ito ng buhay.
Sa ngayon ay patuloy pang nangangalap ng impormasyon ang mga otoridad kung sino ang nasa likod sa dalawang kaso ng pamamaril sa Pikit, Cotabato.
Inaalam din kung maituturing na election related incident ang magkasunod na pamamaril.
Kasabay nito, nanawagan naman ang PNP Region 12 sa lahat ng mga mamamayan sa Soccsksargen na maging alerto at makipag-ugnayan sa otoridad sakaling may mga insidente na gaya nito upang agad na mahuli ang mga suspek.
Ang bahagi ng panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Major Rizza Hernaez, spokesperson ng PNP Regional Office 12.
Samantala, ipinasiguro naman ng pulisya na handa ang pulisya sa buong rehiyon sakaling may mga kaguluhan na mangyari sa darating na eleksiyon lalo na ang kaparehong pangyayari sa Shariff Aguak na karatig rehiyon noong huling araw ng paghahain ng kandidatura ng mga kandidato para sa May 2025 national and local elections.
2 patay sa magkasunod na pamamaril sa Pikit, Cotabato, PNP inaalam kung election related ang krimen
-- ADVERTISEMENT --