KORONADAL CITY – Dalawa ang kumpirmadong nasawi habang tatlo naman ang sugatan sa malagim na aksidente sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. San Mateo, Aleosan, Cotabato, pasado alas-5:50 ng hapon nitong Biyernes, Hunyo 13, 2025.
Ayon sa inisyal na ulat ng mga otoridad, sangkot sa insidente ang isang multicab na sakay ang isang pamilya at isang oil tanker.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Bebot Ulangkaya, nasa hustong edad, may asawa, drayber ng multicab at residente ng Brgy. Lagunde, Pikit, North Cotabato, at si Jahara K. Musa, 57-anyos, may asawa, na residente rin ng Pikit. Samantala, patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang tatlong iba pang sakay ng multicab na pawang sugatan sa insidente.
Kinilala ang mga ito na sina Bailanie N. Musa, may asawa; Gino Ulangkaya, may asawa; at Juharto Alimanan, isang menor de edad—lahat ay residente rin ng Pikit, North Cotabato.
Sa lakas ng banggaan, wasak ang unahan ng multicab at halos hindi na makilala, dahilan para magtamo ng grabeng pinsala ang drayber na si Bebot Ulangkaya, na agad binawian ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng Aleosan PNP upang alamin ang sanhi ng aksidente at kung may pananagutan ang kabilang panig sa insidente.