Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga awtoridad kaugnay sa malagim na aksidente na kinasasangkutan ng isang motorsiklo sakay ang tatlong menor de edad na estudyante sa Barangay Balintawak, Pagadian City, Zamboanga del Sur, kahapon ng hapon.
Batay sa ulat ng Pagadian City Police, dalawang estudyante ang nasawi matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang bahay sa gilid ng kalsada.
Kinilala ang mga nasawi na sina alyas Joan at alyas Rhea, kapwa 17 taong gulang at Grade 11 student’s ng Zamboanga del Sur National High School.
Ang nagmamaneho ng motorsiklo ay si alyas Dan, isa ring senior high school student, na nagtamo ng malaking sugat sa ulo at agad isinugod sa ospital.
Sa kanyang pahayag, namasyal ang mga ito sa Pakpalan site dahil walang pasok. Pagbaba nila pabalik sa Balintawak highway, nawalan umano siya ng preno kaya’t tuluyang sumalpok ang motorsiklo sa pamamahay ng residenteng si Mrs. Jona Sadrino.
Ayon sa kuha ng CCTV sa lugar, mabilis ang naging takbo ng motorsiklo at tumama sa kanto ng pintuan ang ulo ng mga biktima, na posibleng naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay. Si Dan naman ay nakatayo matapos ang insidente ngunit may tinamong sugat sa mukha.
Labis ang pagkabigla at pag-aalala ni Dan sa sinapit ng kanyang mga kasama, lalo’t iniisip niya kung paano ito maipapaliwanag sa kanilang mga magulang.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na maging maingat sa paggamit ng motorsiklo, lalo na sa mga walang sapat na karanasan at walang lisensya, upang maiwasan ang ganitong trahedya.