-- ADVERTISEMENT --

Namataang nagsagawa ng pagsubaybay o “shadowing” ang dalawang barkong pandigma ng China habang isinasagawa ng Pilipinas, kasama ang Estados Unidos at Australia, ang isang maritime exercise malapit sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea nitong Lunes, Pebrero 16.

Ayon kay BRP Teresa Magbanua Executive Officer Capt. Adrian Vargas, bigla umanong lumitaw ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ngunit nanatili ang mga ito sa labas ng itinakdang “operation box” o lugar sa karagatan kung saan ginaganap ang pagsasanay ng mga puwersang pandagat.

Sa kabila ng presensya ng mga barko ng China, nagpatuloy nang maayos at walang aberya ang ika-14 na Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) sa WPS. Wala ring naitalang radio challenge, at nanatili lamang na nagmamasid ang mga barkong pandigma ng China sa isinagawang maritime drills.

Ipinaliwanag ni Capt. Vargas na maaaring ipinatutupad lamang ng China ang kanilang kalayaan sa paglalayag, kaya’t hindi na sila nagbigay ng radio challenge dahil hindi naman umano nakialam ang mga ito sa aktibidad.

Kabilang sa mga isinagawang pagsasanay ang Communication Exercise, Maritime Domain Awareness, Joint Patrol, Division Tactics, Photo Exercise, replenishment sa karagatan, at hotwash debriefing.

Apat na surface assets ang idineploy para sa aktibidad: ang flagship vessel ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua, ang BRP Diego Silang ng Philippine Navy, ang USS Dewey ng Estados Unidos, at ang HMAS Toowoomba ng Australia, kasama ang mga air asset mula sa tatlong bansa.