KORONADAL CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 18-anyos na dalaga matapos na matagpuan itong patay na sa creek sa Makilala, Cotabato.
Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Rhona Mae Patricio, residente ng Purok Durian, Old Bulatukan sa nabanggit na bayan.
Batay sa ulat ng Makilala PNP, bandang alas-7:30 ng gabi noong Martes, June 10, nagpaalam ang dalaga sa kanyang mga magulang na lalabas lamang upang makahanap ng cellphone signal—pero hindi na siya nakabalik pa.
Kinabukasan, alas-7:30 ng umaga, natagpuan ang kanyang bangkay sa isang creek sa loob ng Boy Scout Camp sa parehong barangay.
Inihayag ni PCMS Richie Gesulga, tagapagsalita ng Makilala PNP, wala nang saplot sa pang-itaas at pang-ibabang bahagi ng katawan ang biktima, at nagtamo ito ng matinding sugat sa harap at likod ng ulo na posibleng naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hindi pa matukoy kung ginahasa ang dalaga dahil inaasahan pa ang resulta ng postmortem examination.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa mga posibleng huling nakausap ng biktima sa text o chat bago ang insidente.
Panawagan ng mga awtoridad sa publiko: kung may nalalamang impormasyon, agad na makipag-ugnayan sa Makilala Police para matulungan ang pamilya ni Rhona Mae na makamit ang hustisya.
Mahigpit naman na kinundena ng pamilya at pamunuan ng paaralan nito ang nangyari sa biktima.