Magpapakalat ang Philippine Coast Guard ng hanggang 17,000 tauhan sa buong bansa bilang bahagi ng “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026,” upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa inaasahang dagsa ng pasahero sa mga pantalan.
Sa direktiba ni Ronnie Gil Gavan, inatasan ang lahat ng Coast Guard districts, stations, at sub-stations na magtaas ng alert level at magpatuloy ng mas pinaigting na pagbabantay, patrol, at inspeksyon sa mga pantalan at sasakyang pandagat.
Kabilang sa mga hakbang ang mahigpit na pre-departure inspection upang maiwasan ang overloading, pagpapatupad ng maritime safety regulations, at pagpigil sa pagpasok ng kontrabando sa tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
Magkakaroon din ng 24/7 monitoring sa mga passenger vessel at mga pangunahing rutang pandagat o nautical highways, lalo na sa mahahalagang inter-island routes sa western at eastern seaboards.
Bukod dito, maglalagay ng K9 units sa mga pantalan upang makatulong sa pag-detect ng ilegal na aktibidad, habang nakaantabay naman ang search and rescue teams, medical units, at iba pang response groups para sa agarang pagtugon sa anumang emergency sa dagat.
Makikipagtulungan ang PCG sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority, at mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang maayos, ligtas, at organisadong biyahe ng publiko ngayong Semana Santa.












