KORONADAL CITY – Isang 16-anyos na lalaki ang nasawi habang isa pa ang sugatan matapos ang isang aksidente sa kalsada na naganap pasado alas-8:30 ng gabi sa National Road, Purok Tolentino, Barangay Morales, lungsod ng Koronadal.
Ito ang kinumpirma ni PMSgt Fely A. Bascon, Traffic Investigator sang Koronadal sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan, naganap ang insidente sa pagitan ng isang Toyota Avanza na minamaneho ni Elias S. Segura Jr., 60-anyos, may-asawa, at residente ng Kalawag 1, Isulan, Sultan Kudarat, at isang Yamaha STX 125 na motorsiklo (itim) na walang plaka na minamaneho ni alyas “Rey”, 16-anyos na driver, residente ng Bulolmala, Tupi, South Cotabato at sakay ang kanyang backrider na isa ring menor de edad, 16-anyos din, residente ng Purok Tolentino, Barangay Morales.
Batay sa imbestigasyon, patungo sa Tantangan, South Cotabato si Segura nang biglang sumalpok sa kanyang sasakyan ang motorsiklo. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, lumabas na ang motorsiklo ay lumihis sa linya ng SUV na nagresulta sa matinding banggaan.
Napag-alaman ding nagroroadtest ang motorsiklo mula pa sa Tantangan at hindi nakasuot ng helmet ang mga sakay nito.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang dalawang menor de edad, ngunit idineklarang dead on arrival (DOA) ang driver ng motorsiklo, habang patuloy namang ginagamot ang kanyang backrider.
Samantala, parehong nagtamo ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala ang dalawang sasakyan habang patuloy na nanawagan ang mga otoridad na maging maingat sa kalsada at bigyan ng importansya ang pagsunod sa batas trapiko para maiwasan ang ano mang trahedya sa daan.