-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy na nagpapagaling ang isang 15-anyos na batang lalaki matapos siyang matamaan ng paputok sa Purok 8, Barangay Acmonan, Tupi, South Cotabato noong nakaraang araw.

Ayon sa ulat, minor lamang ang tinamong sugat ng bata, partikular sa ibabaw at loob ng talukap ng mata.

Ang insidente ay nagmula sa paputok na tinatawag na “Fountain” kung saan agad siyang sinuri at inassess ng attending physician at patuloy na binibigyan ng angkop na medikal na atensyon.

Samantala batas sa datos na inilabas ng DOH – Center for Health Development Soccsksargen Region, umabot na sa 26 ang kabuuang kaso ng paputok sa SOCCSKSARGEN ngayong Kapaskuhan.

Pinakamataas ang kaso sa South Cotabato na may 10, sinundan ng North Cotabato 8, Saranggani 3, Sultan Kudarat 3, at General Santos City 2.

Sa nasabing bilang, 5 kaso ang nagresulta sa eye injury, ang pinakabata ay 2 taong gulang, at ang pinakamatanda ay 78 anyos. Napag-alaman din na ang 5 Star ang may pinakamaraming kaso ng sangkot na paputok.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga magulang, na maging maingat sa paggamit ng paputok upang maiwasan ang mga aksidente, partikular sa mga kabataan.