Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), napatunayan nilang may 13 magkakahiwalay na mga atake ang isinagawa ng Estados Unidos at Israel laban sa mga health infrastructure sa Iran.
Bukod dito, iniimbestigahan din ng WHO ang mga ulat na may apat na medics na napatay at 25 iba pa ang nasugatan sa mga atakeng ito. Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, bukod sa Iran, may isa pang insidente ng atake sa Lebanon.
Dagdag pa ng WHO, apat na ambulansya sa Iran ang napinsala, at ang mga ospital at iba pang health facilities ay naapektuhan ng mga missile strikes malapit sa mga gusali. Isa na rito ang isang ospital sa Tehran kung saan kinailangan ilipat ang mga pasyente sa ibang lugar.
Sa Dubai, pansamantalang hindi makakapagbigay ng serbisyo ang WHO logistics hub dahil sa mga transport restrictions sa Gitnang Silangan.
Ayon naman sa Iranian state media, umabot na sa 1,045 katao ang nasawi at 6,000 ang nasugatan sa loob ng limang araw ng sunud-sunod na mga atake mula sa Estados Unidos at Israel.
Inakusahan ng Ministry of Foreign Affairs ng Iran ang Tel Aviv at Washington na sinadyang inatake ang 33 civilian sites sa Tehran, kabilang na ang mga ospital, paaralan, residential areas, Tehran Grand Bazaar, at ang makasaysayang Golestan Palace complex.













