Hinuli ng mga kasundaluhan mula sa hanay ng 1st Mechanized Infantry (LAKAN) Battalion at ng mga elemento ng pulisya buhat sa bayan ng Pandag sa lalawigan ng Maguindanao del Sur ang labindalawang katao na nagdadala ng ‘di lisensyadong baril. Ayon kay Lt. Col. Roberto F. Betita, pinuno ng 1st Mechanized Battalion na nakatanggap sila ng ulat alas-11:00 kagabi (August 25, 2024) hinggil sa presensiya ng mga armadong grupo na nagtatago sa isang abandonadong gusali sa Brgy. Pandag sa nasabing bayan.
Makaraang makumpirma ang presensiya ng mga armadong pangkat, agad nagsagawa ng operasyon ang militar at pulisya dahilan para maaresto ang labindalawa katao kung saan nakumpiska din ang pitong matataas na uri ng mga armas.
Agad namang dinala sa himpilan ng pulisya ang mga naarestong mga personalidad kabilang na ang mga bitbit nilang loose firearms na kinabibilangan ng mga sumusunod: isang 5.56mm M16 Colt Rifle, isang 5.56mm M16 A2 Rifle, limang Cal .45 Pistol, iba’t-ibang mga magasin, mga bala, isang pocket knife at iba pang mga personal na kagamitan. Pinasalamatan ni Brigadier General Andre B. Santos PA, pinuno ng 1st Mechanized Brigade ang mabilis na pagsumbong ng mga residente, na nagresulta sa pagkakapigil ng masasamang plano ng mga armadong indibidwal.
“Malaki ang papel na ginagampanan ng ating mga mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan sa ating lugar, lalo na sa kanilang maagap na pagsumbong sa mga kahalintulad na insidente.”