KORONADAL CITY – Piniling magbalik-loob ang sampung dating rebelde mula sa Bangsamoro Freedom Fighters at Dawlah Islamiyah Hassan Group sa mga bayan ng Datu Unsay, Datu Saudi Ampatuan, at Datu Hoffer, Maguindanao del Sur, araw ng Martes, February 10, 2026.
Bitbit ng mga sumuko ang kanilang sampung armas, kabilang ang 4 home-made Barret rifles; 1 R4 rifle; 1 Garand rifle: 2 M203 grenade launchers at dalawang 60mm mortars.
Bilang suporta sa kanilang pagbabalik-loob, tumanggap ang mga ito ng sampung sako ng bigas mula sa mga alkalde ng rehiyon at cash assistance mula sa MPOS-BARMM at Provincial Government ng Maguindanao del Sur upang simulan ang kanilang panibagong buhay.
Ang matagumpay na pagsuko ay bahagi ng Balik-Baril Program, pinangunahan ng 90th Infantry Battalion, 6ID, PA, katuwang ang 601st Infantry “UNIFIER” Brigade at mga lokal na pamahalaan.
Pinuri naman ni BGEN Edgar Catu, commander ng 601st Infantry “UNIFIER” Brigade, ang mga rebelde sa kanilang desisyon na piliin ang landas ng kapayapaan.
Hinikayat din niya ang natitira pang kasamahan ng mga sumuko na yakapin ang oportunidad para sa mas maayos na kabuhayan at buhay.
Ang Balik-Baril Program ay patuloy na itinataguyod ang kapayapaan sa Maguindanao del Sur.













