-- ADVERTISEMENT --

Naranasan mo na ba na may ipon ka pero hiniram ito ni mama o papa? Tapos nang singilin mo, binilang pa nila ang lahat ng nagawa nila para sa’yo? Halos lahat tayo dumaan na sa ganito at kadalasan ay tinatawanan na lang natin.

Pero may kakaibang karanasan ang isang 10-anyos na bata sa China na nagsampa ng kaso laban sa sarili niyang ama dahil ginastos nito ang kanyang ipon nang wala siyang pahintulot.

Si Xiaohui, na taga-Zhengzhou sa probinsya ng Henan, ay nakaipon ng mahigit 80,000 yuan o humigit-kumulang P620,000–P640,000 mula sa kanyang “red envelope money” o mga perang natatanggap tuwing Lunar New Year, pati na rin sa iba pang regalo mula sa pamilya at mga kaibigan.

Ang kanyang ama ang nagbukas ng bank account kung saan dine-deposito ang pera.

Ngunit nang magdesisyon itong mag-asawang muli, winithdraw niya ang lahat ng ipon at ginamit para sa gastos sa kasal.

Nang hingin ni Xiaohui ang kanyang pera, sinabi ng ama na ibabalik lamang ito kapag siya ay nasa wastong edad na. Dahil hindi sila nagkasundo, nagsampa ng kaso ang kampo ni Xiaohui laban sa ama.

Nagdesisyon ang korte pabor sa bata at iginiit na ang “red envelope money” ay personal na pag-aari ni Xiaohui. Inutusan ang ama na ibalik ang kabuuang 82,750 yuan o tinatayang P645,000–P662,000, kasama ang interes.