-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Sugatan ang isang sundalo sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng joint force ng mga pulis at sundalo laban sa umano’y mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) lost command pasado alas-2:00 kaninang hapon sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Kinilala ang nasugatan na si Sgt. Davidis Endario na tinamaan ng bala matapos ang palitan ng putok sa magkabilang panig.

Sa ipinaabot na impormasyon ni Bombo Correspondent Larry Geronio, nagsagawa ng joint operation ang kapulisan at militar sa Barangay Bual, Isulan Sultan Kudarat upang isilbi ang search warrant laban kay Kumander Dimas alyas Dragon na umano’y dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ngunit tumiwalag sa grupo at naging lost command.

Nanlaban umano ang mga tauhan ni Kumander Dimas na nagresulta sa ilang minutong engkwentro.

Ngunit agad naman na tumakas ang grupo ni Kumander Dimas matapos na nagdagdagan ang pwersa ng mga sundalo.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang pagtugis ng mga otoridad sa mga tumakas na kasapi ng MILF lost command.