Kusang isinuko ng mga residente ang apat na kagamitang pandigma sa Brgy. Lamud, South Upi, Maguindanao del Sur dahil sa patuloy na pagpapatibay ng Mobile Community Support Sustainment Program (MCSSP) ng 57th Infantry (Masikap) Battalion.
Ayon kay Lt. Col. Aeron T. Gumabao, pinuno ng 57IB, nagdesisyon ang mga concerned citizens ng nasabing barangay na isuko ang mga armas sa mga tropa ng kasundaluhan dahil sa sila ay hindi otorisadong magdala ng mga ito.
Kabilang sa mga isinukong armas ay: isang US Springfield 7.62mm M14 Rifle, isang 7.62mm M14 Rifle, isang Cal .30 Garand Rifle, at isang 20-Gauge Shotgun, kasama ang mga magasin at bala.
“Malaking tulong ang binuo nating Tropang Kalilintad Organizatin (TKO), isang people’s organization na aktibong sumusuporta sa kampanya ng kasundaluhan laban sa mga loose firearms. Dahil sa mga kahalintulad na organisasyong ito, mas nagiging maagap tayo sa pagsawata sa mga loose firearms,” ani pa ni Lt. Col. Gumabao.
“Pinapasalamatan ko ang mga residente ng South Upi, Maguindanao del Sur, dahil sa kanilang pagpili na tuluyang iwasan ang anumang anyo ng karahasan o krimen na dulot ng patuloy na paggamit ng mga armas. Ang inyong pagsuko sa mga loose firearms ay magbubunga ng kapayapaan at katahimikan, na magreresulta ng kaunlaran at pag-asa para sa ating bayan,” ayon kay Major General Antonio G. Nafarrete, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central.