-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ni Atty. Israelito Torreon, abogado ng pamilya ni Brgy. Tres de Mayo Kapitan Oscar “Dodong” Bucol Jr., ang panawagan sa publiko na tumulong sa imbestigasyon kaugnay ng pamamaslang sa kapitan.

Ayon sa abogado, si Vice President Sara Duterte ay nangako na magbibigay ng ₱1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatuturo sa mastermind ng krimen.

Bukod dito, nagbigay din si Davao del Sur Governor Yvonne Cagas ng karagdagang ₱500,000 para sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa gunman at ₱500,000 para sa mastermind sa pagpatay.

Si Kapitan Bucol Jr. ay binaril habang naka-live sa kanyang social media account kagabi, na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay. Ang pangyayari ay nagdulot ng pagkabigla sa komunidad, dahil kilala ang kapitan bilang aktibong lider sa barangay.

Nanawagan ang pamilya at mga awtoridad sa sinumang may nalalaman tungkol sa insidente na lumapit at tumulong upang madala sa hustisya ang responsable.

Sa ngayon, pinapalakas ng pulisya ang kanilang imbestigasyon at humihingi rin ng tulong sa publiko sa pagbibigay ng anumang lead o impormasyon na makakatulong sa pagsugpo sa krimen.