TAMPAKAN, SOUTH COTABATO – Tinatayang aabot sa ₱11.1 milyon ang inisyal na pinsala matapos lamunin ng apoy ang isang malaking ukay-ukayan, isang bodega na pag-aari ni Kapitan Marvin “Yanyan” Gumbao, at isang bahay na pag-aari ng kanyang biyenan sa bayan ng Tampakan.
Batay sa ulat ni FO2 Fernan Cabanban ng Tampakan Fire Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, pasado alas-10:00 ng gabi nagsimula ang sunog sa ukay-ukayan na may sukat na humigit-kumulang 800 square meters. Dahil katabi nito ang isang bodega na puno ng construction materials at isang residential house, nadamay din ang mga ito hanggang sa tuluyang matupok. Ubos din ang lahat ng laman ng bodega.
Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Kapitan Gumbao na ang nasunog na bodega na puno ng construction materials ay pagmamay-ari niya. Ayon sa kanya, tinatayang mahigit ₱5 milyon ang halaga ng nawalang negosyo at ari-arian, kabilang ang bahay ng mga magulang ng kanyang asawa.
Inamin ng kapitan na hindi niya inaasahan ang pangyayari, at nakapagtataka umano na matapos ideklara ng BFP ang fire out, ay wala nang apoy nang sila’y umuwi hatinggabi. Ngunit pagsapit ng madaling-araw, nagulat na lamang sila nang malamang pati ang bodega na medyo may kalayuan sa bahay ng kanyang biyenan ay tinupok na rin ng apoy at halos maubos ang lahat ng naka-stock doon.
Sa kabutihang palad, walang naitalang casualty o sugatan sa insidente. Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang tunay na pinagmulan ng apoy at ang kabuuang lawak ng pinsala.
Samantala, muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection sa publiko na palaging maging maingat sa paggamit ng kuryente at apoy, tiyaking ligtas ang mga linya ng kuryente, huwag mag-iwan ng nakasinding kandila o kalan, at maghanda ng kagamitan laban sa sunog gaya ng fire extinguisher, tubig o buhangin upang maagapan ang posibleng sakuna.