-- ADVERTISEMENT --

TUPI, SOUTH COTABATO – Mahigit labing-isang libong (11,000) tanim na marijuana ang winasak ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa isang operasyon sa Sitio Benigno Aquino, Barangay Miasong, Tupi, South Cotabato nitong Sabado, October 19, 2025.

Sa ulat ng PDEA Region 12, tinatayang nasa 11,502 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.3 milyon ang binunot at sinunog sa mismong lugar. Dalawang (2) halamang marijuana naman ang kinuha para sa pagsusuri sa laboratoryo.

Pinangunahan ng PDEA Sultan Kudarat Provincial Office ang operasyon, katuwang ang PDEA South Cotabato Provincial Office, Regional Special Enforcement Team, at mga tauhan ng PNP Regional Mobile Force Battalion 12 at Tupi Municipal Police Station.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si alias “Jan Cris.”

Ayon sa PDEA, ang operasyon ay alinsunod sa paglabag sa Section 16, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa pagtatanim at pagpapalaganap ng illegal na droga sa rehiyon.