Magbibigay ng ₱41 milyon na pondo ang Office of the President para sa operasyon ng Independent Commission for Infrastructure o ICI hanggang Disyembre.
Ito ang inihayag ni ICI Executive Director Brian Hosaka, na nagsabing malaking tulong ang karagdagang budget upang maipagpatuloy ng komisyon ang kanilang mga pagsusuri at imbestigasyon sa iba’t ibang proyekto ng imprastruktura sa bansa.
Inaprubahan na rin umano ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 172 contractual positions para madagdagan ang manpower ng ICI at matugunan ang lumalaking workload ng komisyon.
Ang ICI ang siyang nagsasagawa ng independent review, audit, at pagbusisi sa mga infrastructure project ng pamahalaan.
Matatandaan na binatikos ang ICI matapos silang magsagawa ng pagbisita at imbestigasyon sa Davao kahapon, dahil iginiit ng ilang kritiko na ang pinakamalalang pinsala at pagbaha ay sa Cebu. Kaya’t marami ang nagtanong kung bakit sa Davao nagsimula ang imbestigasyon sa halip na sa Cebu na siyang matinding sinalanta ng Bagyong Tino.













