-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang lineman habang sugatan naman ang dalawa pang kasamahan nito matapos umanong makuryente sa itinatayong poste sa Purok Zone 2, Brgy. San Pablo,  Tacurong City, Sultan Kudarat.

Kinilala ang nasawi na si Michael Manlupig, residente ng Brgy. Fatima, Uhaw, General Santos City; habang ang mga sugatan ay sina Franco Canino at Jessie Mission, kapwa residenteng Alabel, Saranggani.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ricardo Bildad, kasama ng mga biktima, nakahanda na sana nilang patindigin ang isang poste nang bigla itong tumama sa main line ng Sultan Kudarat Electric Cooperative (SUKELCO).

Hindi umano nila inaasaahan ang pag-spark ng kuryente na siyang dahilan ng pagtilapon ni Manlupig.

Agad pa raw naidala sa ospital ang biktima ngunit idineklara ring “dead on arrival.”